Sa ika-13 ng Mayo, 2017, nagtipon-tipon ang Kuwentuhang Sabado sa Schüpfheim ng huling pagkakataon, ngunit si Mommy Cherry at ang kanyang pamilya ay lilipat na sa Agosto sa Kanton ng Wallis!
Kaya ang naging kuwentuhan nitong Sabado ay tungkol sa pamilya, mga magkakapatid at magkakamag-anak. Kasabay ng mga librong binasa, ay ang pag-laro ng mga iba’t-ibang fingerpuppets na gawa ni Mommy Cherrry.
Ang unang aklat na binasa ay ang Sino Po Sila: Sa Tahanan ni Jomiko Tedijo. Dagdag sa Kuya, Ate, Baby, Nanay, Tatay, at Lolo’t Lola na fingerpuppets na kasama sa aklat, ay sila Heidi at Kaloy ng Kuwentuhang Sabado.
Maraming bata ang dumalo sa KS sapagkat may naging bisita pa kami galing sa Pilipinas! Tuwang-tuwa ang mga batang KS na nakipag-laro sa mga bisitang bibo na nakinig at nakilahok sa mga iba’t-ibang kuwento tunkol sa pamilya.
Ang pangalawang aklat naman ay ang kuwento ng kakatuwang magkapatid na aso na sina Tiktaktok at Pikapakboom ni Rene Villanueva.
At syempre, hindi puwedeng makalimutan ang kuwento ng magkakapatid na mga daliri na sina, Hinlalaki, Hintuturo, Hinlalato, Palasingsingan at si Hinliliit! Mula sa aklat ng Si Hinlalaki ni Virgilio Alrario. Nakakatuwa alamin ang mga pangalan ng mga daliri natin, marami sa mga mommy ng KS ay hindi pa alam o nakalimutan na ang mga kakaibang mga pangalan ng ating mga daliri. Hindi lang pala ang mga bata ang natututo sa mga kuwentong pang-bata!
Pagkatapos ng kuwentuhan, syempre nagkaroon ng maliit na salu-salo. Nagdala ang mga bisita ng kanya-kanyang paboritong merienda, kasama dito ang puto, chocnut, at sweetcorn!
Pagkatapos, mga bata naman ay tuwang-tuwang nagharutan at naglaro sa playroom.
Sana magkita tayo sa susunod na Kuwentuhang Sabado!
Check out our Schedule here.